Biyernes, Pebrero 28, 2014

Sa Ngalan ng Bayan, Para sa Bayan.

"Sa kadalasan, ang nagsasabing di sapat ang Filipino bilang wikang pangkalinangan ay nagpapahiwatig lamang na siya ang talagang kapos. O dili kaya, kulang ang kaniyang kasanayan sa wikang ito sa larangan ng kultura at karunungan, sa kitang-kitang dahilan na ang mga huli'y kaniyang natututunan sa Ingles na pinag-ukulan ng panahong kasintagal ng panahong ipinagkait sa Filipino (Salazar, 1997:26).
Setyembre 1, 1901. Isaandaan at labindalawang taon na ang nakalilipas. Taglay pa rin ng mga nasa administrasyon ng pamantasan ang kolonyalismong handog ng mga Amerikano sa atin. Nalimutan yata nilang talikuran ang pamanang kaugaliang ito. Ang nais lamang nila ay maging globally competitive ang kanilang mga mag-aaral sang-ayon sa isa sa mga layunin ng K-12 kaya ang tuon nila ay mas bigyang puwang ang majorship sa English,Math at Science. Paano naman kaya ang pagiging locally rounded ng mga mag-aaral kung magiging kakaunti na lamang ang magtatapos na mga guro sa Filipino sa taong 2016 at 2017? Noong panahon  ni Prof. Genoveva Edroza-Matute ay mayroong Sentro sa Kagalingang Pangwika ang pamantasan, sa pareho ring panahon ay nasa loob ng tahanan ni Inang Pamantasan ang halos lahat ng haligi ng Filipino-Wika at Panitikan. Umakyat sa dalawang pangkat ang mga nagmemedyor sa Filipino noong magsimulang manungkulan bilang Puno ng Kagawaran ng Filipino ang kilalang manunulat at lektyurer na si Prof. Patrocinio V. Villafuerte. Ngunit sa kabila ng pagsisikap ng mga gurong ito na nagmamahal sa Wika at Panitikan, at kumikilala sa tunay na kahalagahan ng Filipino bilang susi upang muling makilala ang kultura at ang bayan, nakalulungkot na ang mga gurong mag-aaral, mula sa dalawang pangkat ay nilimitahan at muling lilimitahan sa isang pangkat na lamang. Kung tutuusin, malaki ang isinakripisyong pagod at hirap ng Kapisanang Diwa at Panitik nitong nagdaang panahon, upang patuloy na maipalaganap ang pagmamahal sa Wika at Panitikan sa loob ng animnapu’t tatlong taon sa pamantasan nang sa gayon ay makapanghikayat ng mga nasa unang taon na magmedyor sa Filipino dahilan upang makapagtala ng 150 mahigit na mga mag-aaral na nais magpakadalubhasa sa susunod na taong panuruan. Umasa ang mga nasa mataas na taon na magpapatuloy at madaragdagan ang bilang ng salinlahing ito sa tulong ng mga Ina at Ama sa Filipino. Ngunit ang pag-asang ito ay tila isang pangarap na gumuho na lamang ng magbaba ang mga nakatataas na magkakaroon ng quota ang halos lahat ng majorship liban sa English, Math at Science, at isang seksyon nga lamang ang nakalaan sa Filipino. Kailan pa nagkaroon ng ganitong sistema sa pamantasan? Noong panahon namin ay hindi nililimitahan ang kumukuha ng exam maging ang nakapapasa. May laya ang mga mag-aaral na piliin at mag-enrol sa kursong nais nila basta nalampasan nila ang mga kakailanganin. Hindi quota ang dapat problemahin ng pamantasan, ang dapat na pagtuonan ay ang kakulangan ng propesor sa Filipino at iba pang asignatura, at  bilang pambansang sentro sa edukasyong guro, dapat ding bigyang-pansin ang misyon/layunin na makapagpatapos ng mga magiging guro sa hinaharap na tutugon sa problemang pang-edukasyon ng bansa.

 Di matatawaran ang katotohanang bago tayo matuto ay kinakailangan muna nating yakapin ang sistema upang makamit natin ang pagkakataong makapag-aral sa sistemang pang-edukasyong minana pa natin sa mga Amerikano. Ito, sa palagay ko, ang nais na sistema ng mga nanunungkulan sa pamantasan. Kalimutan ang bayan at yakaping muli ang sistemang kolonyal na pilit na winawasak ng mga mag-aaral sa Wika, Panitikan at Bayan. Ang mabuhay para sa sariling kapakanan at hayaang huwag mamulat ang mga kabataang inaaring pag-asa ng bayan sang-ayon kay Rizal.  Dahil kung hindi ang sistemang kolonyal ang niayayakap nila, hindi sila kailanman magiging kabahagi at tagapanguna upang malimitahan ang majorship sa Filipino sa isang pangkat lamang sapagkat a) maalam sila sa wika at panitikan b) Kasangkot sila sa konsepto ng pagmamahal at pagmumulat sa bayan c) naniniwala rin sila na SARILING WIKA ANG SIYANG MAGPAPALAYA SA SAMBAYANANG GAPOS NG TANIKALA.

The Torch Publication Published this on their December 2013 Issue. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento