Biyernes, Pebrero 28, 2014

ISANG PAGSUSURI: LIHAM SA MGA KADALAGAHAN SA MALOLOS
Ni Dr. Jose P. Rizal
I.                    PAGLALAHAD

Ika-22 ng Pebrero, 1889 ng isulat ni Rizal ang kanyang liham para sa kadalagahan ng Malolos upang pasiglahin lagi ang hindi nagbabago ni nanlalamig na mga kapanalig ni Rizal sa ikagagaling at katatami ng kaginhawaan at kalayaan ng mga Pilipino. Ang sulat na ito ni Rizal ay naglalaman ng higit pa sa dapat maging laman ng isang karaniwang sulat lamang.

Isinulat niya ito sa London, limang araw matapos ipaalam sa kanya ni Marcelo H. Del Pilar ang isang mahalagang pangyayari sa bayan ng Malolos. Ayon sa pagsasalaysay, ika-12 ng Disyembre 1888 nang may 21 kadalagahan ng Malolos  (na sa ibang sanggunian ay 20 lamang) ang naghain ng petisyon kay Gobernador Heneral Weyler upang magtayo ng isang panggabing paaralan. Layunin nila na mag-aral ng wikang Espanyol sa ilalim ni Teodoro Sandiko, isang propesor sa Latin. Gayunpaman, hindi sinang-ayunan ni Padre Felipe Garcia, ang kura paroko, ang petisyon. Naging dahilan ito upang hindi rin pumayag ang gobernador-heneral na maitatag ang paaralan. Sa kabila ng pagtutol, hindi dagliang sumuko ang mga kadalagahan ng malolos sa kanilang layunin. Patuloy silang nanawagan at nang lumaon, pumayag na rin ang pamahalaan na maitatag ang paaralan, bagama’t tumagal lamang ito ng tatlong buwan. Si Senora Guadalupe Reyes ang nagsilbing guro ng mga kadalagahan.

Inilarawan ni Rizal ang mga kababaihan sa kanyang liham bilang mahinhin, may mabuting puso at magandang pag-uugali. Ngunit ang lahat ng ito ay isang katauhan ng dalagang sumusunod sa itinakda ng simbahan. Kaya’t pakiwari niyang ang ganitong pagsunod ng mga kababaihan ay isang uri ng kamangmangan.  Ngunit nagkamali siya sa pangkalahatang pagtingin niya sa mga kababaihan. Ano pa’t ang tinutukoy niya ay ang mga kadalagahan ng Malolos. Nang pumalaot sa kanila ang balitang may mga kababaihang bumabalikwas sa itinakda ng simbahan. Ang mga kababaihang tagalog ay mulat tulad nila Rizal at ng iba pang repormistang mulat kontra sa panukala ng simbahan. Sila ngayon ang nakikiisa sa pagtugon sa ikaaayos ng bayan. Naroon sa Malolos ang mga kababaihang magpapalaki ng mga anak malayo sa pang-aalipusta, silang mga nangagsimulat sa katotohanan at hindi sa mapagkunwaring liwanag na pinansilaw ng mga nagdidiyos-diyosang mga prayle o pari. Binigyan tayo ng Diyos ng sapat na kakayahang kilalanin ang tama sa mali, ang tunay sa huwad at ang pagsunod ng walang pagkamagkasarili. Ipinanganak tayong Malaya at hindi nasasakal ng  kung sinomang nagmamataas sa atin.

      Ipinahayag ni Dr. Jose Rizal na ang bulas na pagsunod ay hindi kabanalan. Ang kamangmangan ay hindi kabaitang puri. Binigyan tayo ng tunay na Diyos ng sarili nating kakayahang mabuhay at kumilatis ng hakbangin, ng tamang hakbangin. May kakayahan tayong magpasya at mamuhay nang Malaya. Dagdag pa ni Rizal, ano ang maipamamana ng isang ina sa kanyang anaka kung ang tanging alam lamang niya ay sumunod sa idinidikta ng simbahan? Wala raw ibang milagrong gawa ang Diyos ngunit isang kahungkagan na ipinanloloko sa mga kababaihan upang sila ay sambahin, panigan at paniwalaan. Ang anumang maling pag-uugali ng isang tao ay bunga ng pagpapalaki. Ang pagpapalaking nagmula sa paggabay at aral ng isang ina. Ang ina, sapagkat sa panahong iyon tanging ang ina lamang ang nasa tahanan upang mag-alaga ng kanyang anak. Kaya walang ibang tulak sisihin kung hindi ang ina na sa pakiwari ni Rizal ay ang siyang pinagmulan ng maruming pag-uugaling natutuhan sa paglaki na binitbit at naging batayan ng kanyang pagkatao na buhat sa turo ng simbahan at ng mga bumubuo nito.

       Simbahan ang nagturo sa ating manalig sa kabanalan sa pamamagitan ng mga Kura at prayleng namamahala rito.  Sumampalataya sa pinaniniwalaan at pinananaligang Diyos ng awa. Anong uri ng kabanalan? Sino ang pinananaligan at pinaglilingkuran ng kabanalang ito? Ang humalik sa kamay ng prayle? Ang lumuhod at magdasal nang paulit-ulit? Ubusin ang salapi sa pag-aabuloy sa simbahan at pag-aalay para sa nais ipagdasal? Ang kabanalan ay pagtulong sa nangangailangan. Ang pakikinig sa panaghoy, samo’t daing ng mga kapus-palad, ang maghain sa mga nagugutom, taliwas sa ginagawa at ipinakilala sa atin ng simbahan ng mga naghahariang mga kastila. Silang hindi nakikinig sa naghihirap, silang binubusog lamang ay ang sarili, mga prayleng lumalangoy sa yamang hinugot sa dugo at pawid ng mga masang Pilipino. Ang Diyos maging ang anak ng Diyos na si Jesus, sang-ayon sa tala ng kanyang buhay sa bibliya ay hindi kailanman nagpabayad sa kanyang ipinagdasal, sa kanyang tinutulungan at sa kanyang nasasakupan. Bagkus siya ay taos-pusong naglilingkod ng walang hinihinging anumang kapalit. Ngunit bakit ang mga prayle maging ang ibang mga pari sa panahon ngayon ay may hinihinging halaga sa tuwing sila ay kakailanganin ng mga maysakit, nangangailangan ng espiritwal na panalangin at kung ano pang sakramentong dapat tupdin ng mga tinatawag na Romano- Katoliko. Sabihin pa na ang mga salaping kanilang kinukulekta ay hindi makapagliligtas ng kaluluwa kahit pa may kapalit ng makailang ulit na pagdarasal, maski ang pagbabasbas ng kasindaming tubig sa dagat ng kabanal-banalang tubig ay hindi kailanman makapagpapalinis ng maruming kalooban at makasalanang katawang lupa ng kung sinoman. Ang lahat ng ginagawa ng mga prayle ay taliwas sa ipinag-uutos ng Diyos. Isang kabalintunaang ang mismong nagpapalakad ng aral ay siyang sumisira at hindi kailanman natutong sumunod sa kanilang ipinapanukala.

      Sang-ayon kay Rizal, ang ina ay dapat na magpalaki ng anak na nakikita ang tunay na Diyos, Diyos na hindi nasusuhulan, Diyos na di sakim sa salapi, Diyos na ama ng lahat, na walang kinikilingan, Diyos na hindi nagpapaasa sa pinaghirapan ng iba, na hindi nagsasaya sa kabila ng pagdurusa ng iba at Diyos na hindi nagtuturo ng mali. Dapat na ituro sa mga anak ang pagmamahal sa puri, matapat at timtimang loob, maliwanag na pag-iisip, malinis na asal, maginoong kilos, pag-ibig sa kapwa at pagtanggap sa Poong Maykapal bilang bahagi n gating buhay. At dahil ang buhay ay puno ng pighati at sakuna, patibayin ang loob sa anumang hirap, patatagin ang loob sa anumang hamon ng panahon. Sapagkat walang aasahan ang ina sa isang anak na pinalaki sa likong pananaw sa buhay sa ngalan ng mga prayleng makasalanag lubos. Ang dahilan pa niya ng pagkalupig ng Asya ay ang mababang pagtrato sa mga kababaihan na itinuturing na makapangyarihan ng ibang lupain sa kanluran. Kaya nga ang mga kababaihan ang binulag, inalipin upang sila ang magturo ng pagkaalipin sa mga magiging anak nila na magigng alipin din ng mga umaaliping tagapagturo ng liko-likong aral. Binanggit niyang makapangyarihan ang mga kababaihan sa Amerika at Europa, kaya naman sila ay Malaya, marunong, mulat at may sariling paninidigan at desisyon batay sa kanilang sariling pananaw.

      Sa huling bahagi ng liham ni Rizal, sinabi niya na sana ay pakaisiping mabuti ng mga kadalagahang o kababaihan ang kanilang mga gagawin bago sila ay magpasya. Gamitin ang kanilang sariling kakayahan at paninindigan upang sila ay lumaya. Matuto mula sa sariling dikreto sa buhay at huwag pagagapos sa idinidikta ng huwad na nilalang partikular na ng mga prayleng nagbabalat-kayo. Gamitin at ipaglaban ang karunungang sa tingin nila ay tama, tunay at may direksyon tungo sa nais nilang  kasarinlan. Kilatisin ang bawat kaalamang inihahain at tatanggapin. Pakasuriin ang sitwasyon, ang katayuan sa buhay bilang isang babae, bilang isang magiging ina at maging maingat sa mga nakaambang pagkabulag at pagpapasunod sa maling utos o direktiba, pagpapaalipin sa pananaw ng iba na maaaring mauwi sa sariling kapahamakan. Dapat tayo ay magbulay-bulay, malasin ang ating kalagayan at mag-isip  kung itong buhaghag na inilahad ni Rizal ay makatutulong sa higit na ikaliliwanag ng lahat ng kadalagahan upang hindi lamang maging tagapagluwal kundi maging tagapagmulat sa kanyang anak na siyang tutulong sa paglaya ng bayan.

II.                  Pagsusuri

Patriyarkal ang sistemang ipinamulat sa atin ng mga kastila, na siya naman
talagang malinaw sa kasaysayan. Ang mga aral ng Bibliya ay hindi kailanman maitatangging patriyarkal din. Malinaw sa atin na ang mga kababaihan ay pambahay lamang, hindi nakapapasok sa paaralan dahil wala silang karapatang makapag-aral maliban na lamang kung ang mga babaeng ito ay may dugong Kastila. Sa madaling sabi pa, mababang uri ng tao sa lipunan ang kababaihan noon. Hindi sila kailanman binigyan ng pantay na karapatan ng mga kastila taliwas sa oryentasyon ng mga kababaihan sa Amerika at Europa. Ang pangyayaring ito ang nagbunsod ng pagkakaroon ng tinatawag na pamantayan kung paano dapat kumilos at gawi ng mga kababaihan sa panahon ng pananakop ng mga Kastila sa loob ng tatumput tatlong daang taon.

Sa pitong prinsipyong ibinahagi ni Rizal, isa lamang ang higit na tumatak sa akin,  kung ang babaing Pilipina ay di magbabago, ay hindi dapat magpalaki ng anak, kundi gawing pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa bahay, sapagkat kung hindi’y ipagkakanulo ang walang malay, ang asawa, anak, bayan at lahat.” Mariin ang naging pahayag ni Rizal na sa kabila ng kahinhinan, kabutihang puso, kabutihang asal, mahinhing pag-uugali at pagkamasunurin ay ang hudyat ng kamangmangang taglay ng mga kadalagahan o kababaihan. Itinuro ng mga kastila partikular na ng mga prayle na dapat silang kumilos na naaayon sa nais ng Diyos na kung tutuusin ay siyang nais lamang nila. Hindi sila kailanman maaaring humigit sa pamantayang kanilang itinakda. Ikinukulong ang mga kababaihan noon sa malambot na katauhang maglilimita sa kanila bilang babae. Isang malinaw na paraan upang mapiit ang anumang kakayahan nilang makalikha ng hakbang laban sa kastila. Sinamantala ng mga kastila ang kahinaang taglay ng mga babae sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga dapat at di dapat para sa mga kababaihan na siyang kalugodlugod kuno sa mata ng Diyos. Ipinangalandakan ng mga namunuo sa simbahan na ito ay sadyang matuwid na gawa at huwag na huwag tataliwas kung ayaw nilang magkasala sa tinatawag nilang Diyos. Ngunit batay sa nabanggit ni Cristo “Ang unang kabanalan ay ang pagsunod sa matuid, anoman ang mangyari, gawa at hindi salita ang hiling ko sa inyo,”  ang kabanalan ay ang pagsunod o pagtalima sa matuwid, hindi ang pagsunod sa baluktot na pinagpipilitan lamang na matuwid ng mga prayle.

Ang kamangmanga’y kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon din ang tao; taong walang sariling isip, ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa tali,”  na siyang nakasaad sa ikatlong prinsipyo ni Rizal sa liham. Hindi nga naman makatarungan na gawin tayong alipin ng mga prayle partikular na ang mga kababaihan, tinitingnan lamang ang mga babae noon bilang tagasunod, tagapagluwal, alipin at mga taong walang kakayahang mamuno at magpasya para sa sarili. Inalipin ng takot ang isipin ng mga kababaihan dahilan upang alipinin sila ng kamangmangan. Tinanggalan ng laya ng mga prayle ang mga kababaihan na magsariling isip at kontrolin ang kanilang sariling saloobin at pinaniniwala silang ang lahat na sila ang nakakikita n gating kahinaan at tayo ay mga tanga’t walang alam. Tayong mga hindi kapantay nilang mga may dugong kastila na para bagang sila lamang ang may karapatang mailigtas mula sa bangin ng impyerno’t lubhang walang sala. Kitang-kita ang pagnanais ni Rizal na ipaalam sa mga kadalagahan ng Malolos na ipagpatuloy ang nasimulang paninindigan. Buksan ang mga mata sa katotohanan na ang tunay na Diyos ay yaong nakikinig sa hinaing ng mga nangangailangan at nagpapakain ng nagugutom at hindi ang nagpapaasa sa pinaghirapan ng iba at nagpapayaman mula sa ari-arian ng bayan. Hindi itinuturo ng panginoon ang itinuturo ng mga prayle, bagkus, isang perpektong kabaliktaran ang kanilang ipinakikita. Sinusubukan ni Rizal na basagin ang kamangmangan sa hanay ng mga kababaihang maaaring makatulong nila upang imulat ang marami pang mga kababaihan sa tunay na imahe at kalagayan  ng ating bayan sa kamay ng simbahan.

Sa huling bahagi ng hindi basta lamang liham ni Rizal sa mga kadalagahan sa Malolos, nabanggit niya ang mga kababaihang esparto na siyang tunay na malakas at iginagalang.  Nagwika ang isang babaing taga-esparta sa Grecia ng ganito, “ ang tao ng mga esparto ay hindi inianak para mabuhay sa sarili, kung hindi para sa kanyang bayan,” kung saan ang katatagan ng loob, katatagan, katapangan, at pagiging malayang indibidwal ng isang babae ay tunay na kinikilala nasiyang taliwas naman sa kababaihan sa Pilipinas. Ang mga babaeng esparto ay hindi kailanman yumuko sa mga pari, hindi nagpaalipin, may kakayahang makapagpasya para sa kanilang sarili at pamilya, at higit sa lahat ay kumilos para sa bayan. Ang mga babaeng ito na kakikitaan ng tapang ay hindi kailanman naniwala sa kasabihan. Ang pagkukumparang ito na inilahad ni Rizal ay nagpapakita lamang kung gaano ipinagkait ng taga-simbahan ang kakayahan n asana ay taglay ng mga kababaihan sa ating bansa. Ito ang paraan ng pagmumulat ni Rizal sa kadalagahang maaaring makabasa ng kanyang liham bukod sa dalawamput isang kadalagahang nagnasang tumalikod sa handog na pamantayan ng simbahan na siyang ibinabalubad ng mga prayle at hindi ng Diyos na kanilang sinasamba.

Tunay na sa tahanan unang nahuhubog ang isip at paniniwala ng isang bata na kanyang dadalhin hanggang sa paglaki. Ngunit paano kung ang isang ina ay mangmang, salat sa pagkamulat, baluktot ang paniniwalang katotohanan at kontrolado ang isip ng mga salitang pulaan ng mga prayle’t kastilang mapangmata’t walang dangal, ano nga kaya ang kabutihang maituturo niya sa kanyang anak? Isang malaking responsibilidad ang nakaatang sa mga magulang lalo’t higit na sa tagapagluwal ng sanggol na sa panahon noon at ngayon ay siyang parating sinisisi sa anumang kahihinatnan ng bagong sibol na isipan ng anak sa pagtahak ng landas labas sa kanilang tahanan. Kaya naman nais ni Rizal na matupad nawa ang nasang matuto ng mga kadalagahan na harinawa ay hindi bubot na kaalaman ang kanilang mapitas kundi karunungan na siya nawang maginng huwaran sa lahat ng kababaihan at kadalagahang magiging ina na siyang tagapagmulat ng kanilang mga magiging anak.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento