Biyernes, Pebrero 28, 2014

ISANG PAGSUSURI: VENERATION WITHOUT UNDERSTANDING
Ni Renato Constantino

I.                    Paglalahad

                 Rebolusyon, ang paraan ng laksang pagkilos ng nagkakaisang sambayanan laban sa isang makapangyarihang bansa o pwersa na nagnanais gawing kolonya ang maliit at mahinang bansa. Rebolusyon, ang pinakamalapit na salita na maaari nating maiugnay sa salitang kasarinlan. Maraming bansa sa mundo ang nakamit ang kanilang kasarinlan dahil sa laksang pagkilos gamit ang rebolusyon at isa na nga riyan ang bansang Pilipinas, na para sa ilan hanggang ngayon ay hindi pa ganap ang kasarinlan at kalayaan pa lamang ang natatamasa. Hindi pa ganap dahil mas kakikitaan nang pagmamahal sa produkto at mga putaheng inihahain ng ibang bansa partikular na ng Amerika sa ating mga kababayan.   At kadalasan ng mga taong tinitingala at binibigyang taguri bilang pambansang bayani ay ang mga taong nanguna at naging bahagi ng tinatawag nating rebolusyon. Ngunit sa kaso natin, hindi si Rizal ang nanguna sa Rebolusyon, sa katunayan, hindi siya pabor dito. Malinaw na ang usapin ay dapat bang tanghalin si Rizal na bayani kung ang pangunguna sa rebolusyon na siyang mahigpit niyang tinutulan kung saan ito ang pamantayan ng ilang bansa upang maging pambansang bayani? Ito ang malinaw na mensaheng nais iparating ng VWU ni Constantino – ang pagrespeto ng walang pang-unawa -hindi natin nauunawaan kung bakit karapatdapat o hindi si Rizal, at hindi si Bonifacio, Aguinaldo o Mabini.

Pinatunayan ng isang manipestong isinulat ni Rizal noong ika-15 ng Disyembre, 1896, ang napakalaki niyang pagtutol hinggil sa pinaplanong rebolusyon nila Bonifacio. Sinabi niya na ang pag-aaklas na gagawin ay maglalagay lamang ng kahihiyan sa mga Pilipino, na ang pamamaraan nito ay masyadong marahas, kinapo-pootan niya ang pamamaraang iyon at kinaaawaan ang mga mamamayang napaniwala na maging kabahagi nito.
Ang masidhing pagtutol ni Rizal ang naging dahilan kung bakit nalagay sa alanganin ang pagkilos ng mga Filipino para maging matagumpay ang rebolusyon. Hindi naman pwedeng sabihin na mali ang ginawang rebolusyon na pinamunuan ni Bonifacio dahil hindi pabor dito ang naitanghal na pambansang bayani, gayon din, hindi natin maaaring sabihin na mali si Rizal dahil lamang sa tutol siya sa rebolusyon na ayon sa kanya ay isang marahas na pagkilos. Sa kabila ng rebolusyunaryo at repormista, marami ang nagsasabi na ang mga libro ni Rizal na El Filibusterismo at Noli Me Tangere ang mga librong binasa ni Bonifacio na siyang nagpaigting ng kanyang pagnanasa upang maging Malaya. Rizal din ang password ng rebolusyon. At sa isang artikulo ni Ambeth Ocampo sa Rizal without the overcoat, may mga larawan ni Jose Rizal sa loob ng tanggapan ni Bonifacio kaya naman higit na napaghinalaan na ang Jose Rizal ang utak o pinuno ng rebolusyon na siyang naging dahilan upang siya ay makulong at mabaril.

Hindi man naging malinaw ang naging dahilan ni Rizal kung bakit niya lubusang tinututulan ang Rebolusyon, malinaw na para sa isang ilustrado at edukadong higit na gaya niya ay mas ayon siya sa reporma. Reporma upang magkaroon tayo ng representasyon sa espanya, upang maging probinsya tayo ng espanya at upang maging pantay ang pagtingin sa pagitan ng Filipino at Kastila. At dahil nga nagkulang tayo sa pag-aanalisa sa mga pangyayaring ito sa pagitan ng mga rebolusyonaryo at ni Rizal, ang pagkaunawa natin kay Rizal bilang isang manunulat, makata at bayani ay artipisyal. Napuno tayo ng magagandang katangiang nailahad sa atin noong tayo ay nasa elementarya at sekondarya pa lamang. Nakita natin si Rizal bilang isang taong handang ialay ang lahat maging ang kanyang buhay sa bayan, ngunit sa naging reaksyon niya maaari siyang maituring na traydor sa bayan dahil sa kawalan ng malalim na dahilan. Ito ang tinawag ni Constantino na paggalang o pagrespeto ngunit kulang sa pang-unawa, at tayo iyon, ang mga taong minsan pang humanga kay Rizal noong kapos pa tayo sa kaalaman sa kasaysayan.

Hindi natin masisisi ang isang Jose Rizal sa naging paraan niya nang pagtanggap ng rebolusyon. Tunay na mahal niya ang bayan, ngunit sa paraan ng isang ilustrado hindi sa paraan ng isang rebolusyunaryo. Sabihin pa na ang nakikita ng isang Rizal para sa Pilipinas ay ang pagiging probinsya nito ng Espanya, samantalang usapin ng pagiging bayan naman ang pinaglalaban ng isang rebolusyunaryong Bonifacio.

     Sa sumunod pang mga pahina, tinalakay ni Constantino kung paano nga bang naging bayani ang isang Rizal. Sabihin pa na ang isang Jose Rizal noong kanyang panahon ay talaga namang iginagalang dahil sa kanyang kakayahan at katalinuhang taglay, hindi pa rin maitatanggi na ang kanyang pagiging lamang o angat sa larangan ng edukasyon, pag-uugali at paraan ng pagkamatay ang naging dahilan upang tanghalin siya ng mga Amerikanong nanakop sa atin noon bilang pambansang bayani. Hindi naman talaga matatawaran ang kadakilaang taglay ng isang Rizal, lalo na ang dramatikong paraan ng pagkamatay niya na talagang tumatak sa isip ng mga Pilipino noon. Ngunit ang nakalatag na diskusyon ay kung sino ang nagtalaga kay Rizal bilang pambansang bayani. Malinaw na noong 1901 isinuhestiyon ni Gobernador William Howard Taft sa Philippine Commission na magkaroon ng Pambansang Bayani ang mga Filipino. Kasama ni Rizal si Aguinaldo, Bonifacio at Mabini – Militante, Radikal at hindi handa sa pagbabago.

Nabanggit nga rin ito sa isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer na may pamagat na Rizal : Amboy or Home-Made Hero, sinabi na ang mga Filipino raw ang pumili kay Rizal buhat sa mga nakasama niya dahil mas modelo ito kumpara sa tatlo (makikita ang link sa ibaba). Tandaan pa na ang mga Filipinong kasapi ng Philippine Commission noong panahong iyon ay mga ilustrado. Ilustrado dahil ang binubuong mga imahe ng Amerikano noong panahon na iyon ay mga mamamayan na may kakayahang mamuno at may mataas na pinag-aralan. At ang mga ilustradong iyon ang naging kinatawan sa Philippine Commission. Matapos ang naging pagpili sumulpot ang Act 137 na ipinapangalan ang morong kay Rizal, Act 243, pagpapatayo ng monumento ni Rizal sa Luneta at Act 345, anibersaryo ng kanyang kamatayan bilang araw ng pagtalima.


     Si Rizal ay hindi kailanman naghangad ng kalayaan mula sa bansang Espanya, lalo na ang paglaban gamit ang dahas o armas. Noon pa ma’y ang nais niya ay reporma, ang maging pantay ang mga Filipino at Espanyol, ang maging estado tayo ng espanya. Malinaw na ang nais ng mga Amerikano ay isang pambansang bayani na gaya ni Rizal, isang bayaning hindi lalaban sa kanila sa paraang alam ni Bonifacio at Aguinaldo. Isa pa, patay na si Rizal noong panahong nagsimula ang pagsalakay o kaguluhang dulot ng mga amerikano kaya naman wala nang Jose Rizal na kokontra o kakalaban sa kanila. Pangalawa, naghuhubog ang mga amerikano ng mga ilustradong gaya ni Rizal na may kakayahang mamuno at sumunod sa kanila. Pangatlo, maaaring pasakalye ito ng mga kano upang makuha ang loob ng mga Pilipinong lubos na tumitingala sa kadakilaan ng isang Jose Rizal at ang mga Pilipinong nakakikilala sa kanya. At pang-apat, maaaring ginamit nilang halimbawa ang pagiging edukado ni Rizal upang higit na tanggapin sila ng mga Pilipino lalo pa at ang naging propaganda nila noong dumating sila dito sa Pilipinas ay pantay na edukasyon para sa lahat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento