Biyernes, Pebrero 28, 2014

ISANG PAGSUSURI: Sistema ng Edukasyon noong Panahon ng Kastila

I.                    Paglalahad
                             
                  Ayon sa teorya, maliban sa kamatayan, edukasyon ang   masasabing “great social equalizer.” Dahil dito, nagiging pantay ang pagkakataon sa lipunan ng mga mayayama’t mahihirap. May paniniwala rin na sa isang mulat at edukadong lipunan, edukasyon din ang pinakamahusay na tagapagtaguyod ng demokrasya. Ngunit paiba-iba at pabago-bago ang sistema ng edukasyon dito sa Pilipinas mula noong bago pa man dumating ang mga Kastila, sa kasagsagan ng panlulupig ng mga Kastila, Amerikano at Hapon hanggang sa ngayon.
Bago ang pagdating ng mga Espanyol ay mayroon ng edukasyon sa bansa. Ang ating mga ninuno ay may maipagmamalaking sariling sining at kultura. May paghahabi’t paglililok, paglikha ng mga alahas na ginto, pagpipinta, paggawa at pagpapanday ng mga kagamitang pandepensa at pandigma tulad ng pana, kris, tabak, kampilan at mga panangga.  Mayroon ding sariling literatura sa anyo ng mga epiko tulad ng Biag ni Lam-ang, Hudhud, Alim at Indararapatra and Sulayman. Sa panahong ito rin nagkaroon ng unang naitalang alpabetong Pilipino na kilala natin ngayon bilang alibata.
Ang edukasyon ay kolektibong responsibilidad ng pamayanan o barangay. Ang mga magulang at nakatatanda sa barangay ang nangangasiwa sa pagtuturo sa mga bata. Ang mga kasanayan sa produksiyon tulad ng paghahabi, pangingisda at pangangaso ay pangunahing binibigyang pansin. Ang mga mandirigma naman ang nangunguna sa pagtuturo sa sining ng pakikidigma at depensa sa pamayanan. Ang edukasyon ay tuwirang nagsisilbi sa kagalingan ng buong barangay dahil ito ay nakabatay sa karanasan ng mamamayan at ekonomikong pangangailangan ng komunidad.
Ginamit ng kolonyalismong Kastila ang espada at krus upang sakupin at pagharian ang Pilipinas. Ang sinumang lumaban ay pinapaslang sa pamamagitan ng espada at ang sinumang sumang-ayon ay pinaluluhod sa krus. 

Sa pagpasok ng mga Kolonyalistang Espanyol, lumaganap ang sistemang pyudal at kolonyal.  Ipinako ang mamamayang Pilipino sa lupa at hinawakan ng mga Kastila at simbahan ang ekonomiya sa pamamagitan ng pangangamkan ng mga lupain at pagpapatupad ng sistemang Encomienda. Pangunahing tagapagpalaganap ng kulturang pyudal at mistisismo ang simbahan.  Ang sinumang hindi sumunod sa utos ng Simbahang Katoliko at tagapangasiwa ng Hari ng Espanya sa Pilipinas ay tatawaging erehe, pilibustero, at kasusuklaman dahil sa paniniwalang masusunog ang kaluluwa sa impyerno.

Walang pag-aalinlangang binura at sinunog ng mga Kastila ang halos lahat ng mga manuskripto at ebidensiya ng edukasyon at kultura ng mga ninuno natin sa paniniwalang ito raw ay gawa ng diyablo. Kung hindi dahil sa pagsasalin-salin sa wika ng mga awit, epiko, at alamat, baka tuluyan na nating nakalimutan ang makulay na nakaraan ng ating lahi. 

Pangunahing layon ng edukasyon sa panahon ng kolonyalismong Kastila ang pagtuturo ng Katolisismo at pagpapailalim ng mga katutubo sa korona ng Espanya. Ang mga unang paaralan, dala ng mga misyonero, ay pagsunod sa kautosan ni Charles V noong Hulyo 17, 1550 na nag-takda na ang lahat ng mga sinakop ng Espanya ay tuturuan ng wikang Español. Subalit malalim ang ugat ng diskriminasyon ng mga Kastila sa mga indio, at sinabing hindi kailanman maaaring matuto ang mga katutubo ng wika nila, at “mananatiling mga unggoy anupaman ang bihis”.

Pinag-aral sa mga sekondaryong paaralan ang mga anak ng mga dating namumuno sa mga barangay bilang preparasyon sa magiging papel nila bilang mga gobernadorcillo at cabeza de barangay. Itinayo ng mga Heswita ang Colegio de Niños noong 1596 para sa adhikaing ito, subalit nagsara rin ito matapos ang limang taon. Ang iba’t ibang mga misyonero at kongregasyon ay nagtayo ng mga pamantasan. Itinatag ng mga Heswita ang Colegio Maximo de San Ignacio noong 1589 at ito’y naging unibersidad noong 1621.Itinatag din nila ang College of San Ildefonso (1599, ngayo’y University of San Carlos sa Cebu), College of San Jose (1601), College of the Immaculate Conception (1817, ngayo’y Ateneo de Manila University). Itinatag naman ng mga Dominikano ang Colegio de Nuestra Señora del Santisimo Rosario (1611, ngayo’y Unibersidad ng Santo Tomas) at Seminario de Niños Huerfanos de Pedro y San Pablo (1620, ngayo’y College of San Juan de Letran).

Minaliit ng mananakop ang kaalamang lokal samantalang pinalaganap ang konserbatibo at pseudo-siyentipikong kaalaman sa mga paaralang pinapatakbo ng simbahan.  Patuloy ang pagtuturo ng metapisika kahit lubos nang nauunawaan ang mga batas ng paggalaw ng mga bagay bagay.  Hindi rin ganap ang pagtututro ng syensya tulad na lang halimbawa ng ipinakita sa El Filibusterismo ni Rizal na ginagawang palamuti lamang ang mga kagamitan sa pag-eeksperimento.

Ang cura paroco ng simbahan ang namimili ng maestro sa mga eskuwelahan na magtuturo ng alpabeto sa mga bata at pangunahin ang mga doktrina ng relihiyong Romano Katoliko. Katekismo ang pokus ng edukasyon. Mekanikal na pinapabasa at pinapamemorya ang mga misteryo ng rosaryo, dasal at mga ritwal ng simbahan. Laganap ang paggamit ng palmeta bilang pamalo sa mga ayaw at nahihirapang matuto.

Dahil sa Educational Degree of 1863, naging compulsory ang edukasyong primarya bagama’t may diskriminasyon pa rin sa mga indio at monopolyo pa rin ng simbahan ang edukasyon sa bansa. Kakaunti pa rin ang nakakatuntong sa mas mataas na antas ng edukasyon. Eksklusibo para sa mga paring sekular at gayundin sa mga anak ng mga komersyante at lokal na panginoong maylupa ang pag-aaral sa mga Katolikong pamantasan sa bansa at sa Europa.  Ang mga ilustradong nakapag-aral ang nagpasok ng burges liberal na kaisipan sa Pilipinas tulad ng pagsasarili at nasyonalismo.

Elitista ang edukasyong pinatupad ng mga Kastila. Ipinagkait ang edukasyon sa mga indio. Ipinako sa lupa at hindi binigyang pagkakataong makapag-aral ang mayorya ng mga Pilipino. Ayon kay Jose Rizal, “ang ugat ng kamangmangan at kahirapan sa Pilipinas ay ang kakulangan ng edukasyon at kaalaman, na isang sakit mula sa kapanganakan hanggang sa katapusan.” Tinuligsa nya ang mga Kastila at mga prayle dahil hindi nakakatugon sa pangangailangan ng mga Pilipino ang edukasyon sapagkat wala man lamang mga libro sa kasaysayan, heograpiya, moralidad ng Pilipinas na nakabatay sa karanasan nito sa isang sistemang pyudal. Naging hiwalay ang mag-aaral sa kanyang pinag-aaralan.
Kapuna-punang mapapansin sa sistema ng edukasyon ng mga Espanyol ay ang pagpapahalaga sa mga lalaki bilang tagapagdala ng karapatan na makapag-aral sa pormal na eskwelahan. Ngunit hindi naglaon ay naitatag din ang mga beaterio, isang makarelihiyong institusyon para sa mga babae. Masasabing hiwalay ang paaralan ng mga lalaki sa babae. Higit sa lahat, isa sa mga pangkaraniwan na mukha ng sistema ng edukasyon ng mga Espanyol ay pagbibigay lamang sa mga mamamayan ng karapatang mag-aral. Nabibilang sa mga mapapalad na taong ito ang principales at ilustrados.
II.                  Pagsusuri

Napakahirap sukatin ng kaalaman ng isang tao lalo na kung napakataas ng
antas ng edukasyon ang kanyang narating. Dati ay hindi naman uso ang degree o diploma para lamang masabi na edukado ka, mahalaga lang na maalam ka sa gawaing may kinalaman sa kasarian mo. Halimbawa na lamang ay ang pagsusulsi, pag-aalaga ng bata, pagluluto, paglilinis at pamamahala sa loob ng tahanan para sa mga babae samantalang pangangaso, paghahalaman, paghahanapbuhay at pakikidigma naman ang gawain ng mga lalaki. May isa ka lamang kaalaman sa mga bagay na iyan ay tiyak na ikaw ay nakapag-aral, walang grado at pirma ng propesor na kailangan. Kasabay ng ganitong uri ng edukasyon ay ang pantay pa na pagtingin sa babae at lalaki sa pamayanang kanilang kinabibilangan.

                    Nabago ang lahat ng ito nang dumating ang mga kastila sa bansa. Ipinalaman nila ang espada sa katawan ng kung sinumang hindi sumang-ayon sa kanilang nais, kamatayan. Noong panahong iyon, marami sa ating mga ninuno ay nagsilikas mula kapatagan patungong kabundukan upang hindi sila matunton kaagad ng mga naghahari-hariang mananakop. Ang ilan naman sa ating mga ninuno ay nanikluhod sa krus at niyakap ang hatid na maringal kunong edukasyong naglalaman ng turo ng simbahan, ng relihiyon, at higit sa lahat ng prayle. Madaling napaniwala ng mga prayleng mananakop ang mga Pilipino noon na naninirahan sa Kabisayaan sapagkat pinalabas nila na ang mga kultura, alamat, kwentong bayan at epikong naisaling-dila na ng ating mga ninuno ay katha ng diyablo at hindi kailanman kinalulugdan ng Diyos, sinunog nila ang mga kagamitang may kinalaman sa pagano at kalikasang sinasamba ng ating mga ninuno. Sa madaling sabi, ang mga pilipino na nasakop noon ay madaling nagpagupo sa Kristyanismo sa pag-asang mayroong pagbabago, sa pananakot na dulot ng mga Kastila at paniniwalang maliligtas sila ng relihiyong nais isubo sa kanila ng mga relihiyoso.

                    Uniti-unting nabago ang istruktura ng pamayanan sa bawat karatig, naging sentralisado ito at dahil sa kulang pa ang mga paaralan ang simbahan ang tumayo o nagsilbing silid-aralan, maaaring ang kanilang mga maestro ay mga pari o di kaya ay ang piniling maging maestro ng cura paroko. Makikitang umiikot lamang sa mga prayle ang pamamahala, mula sa politika, ekonomiya hanggang sa edukasyon. Masasabing mautak o tuso ang mga kastila sapagkat matapos palitan ang baybayin o alibata ay ipinakilala nila kuno ang alpabeto bilang panimula ng pag-aaral, ngunit ang pagpapakabisa at pagpapabasa ng mga librong may kinalaman sa relihiyong katoliko gaya ng doktrina kristiyana, ang pagpapamemorya ng dasal, rosaryo at ritwal ang siyang naging tuon ng pag-aaral.
Ginawa nilang mangmang ang mga indio, hindi itinuturo ang matematika, siyensya at pilosopiya na siyang higit na kailangan sa mga elitista lamang. Ang gawing ito ng mga kastila ay nagpapatunay lamang na ayaw nilang matuto ang mga Pilipino sapagkat natatakot silang maging maalam tayo, maghanap ng kasarinlan o di kaya ay representasyon at magpumilit na lumaya mula sa kanilang pagmamalupit at kolonya.  Dahil na rin sa korporal na parusa kaya naman ang mga mag-aaral noon ay higit na namumuo ang takot kaya napipilitan mag-aral at magbasa, kaunti lamang ang nahilig sa pag-aaral ng kusa. Ang gawaing ito ng mga prayle ay isang estratehiya upang higit na talikuran ng mga Pilipino ang pag-aaral, upang talikdan nila ang karunungan na siya sanang nakapagpalaya sa kanila sa mas maagang panahon. Pinaloob din nila ang mga indio sa polo y servicio, inalipin at inalipusta upang lalo pang bumaba ang kanilang nalalaman at hindi na maisipan pang mag-alsa.

        Bukod sa patriyarkal ang pagtingin noon sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, patriyarkal din ang pagtingin pagdating sa edukasyon. Para sa komersyante lamang ang paaralan na noo’y para sa lahat ng nagnanais na yumakap, para sa mga ilustrado at pirncipales. Ang pagiging limitadong ito ng edukasyon noong panahon ng mga kastila ang dahilan kung bakit marami sa atin ang tamad at puro awa sa Diyos ang inaasahan. Nabanggit nga ni Rizal sa kanyang sanaysay na  Ang tungkol sa katamaran ng mga Pilipino na ang kakulangan ng edukasyon at lubusang paghingi ng awa sa Diyos ang hatid ng kamangmangan at katamaran sapagkat nasanay tayo na maging kuntento na lamang sa kung ano ang inihahain sa atin, kung ano ang sa tingin natin ay siya lamang abot ng kakayahan natin, hindi na tayo nagnanais ng mas higit pa.

                    Narito ang ilang dahilan kaya ganoon na lamang kababaw o kasabaw ang dulot na edukasyon sa atin ng mga kastila kahit pa sinasabing ang pangunahing layunin ng edukasyon ay aktibong partisipasyon ng isang mamamayan sa ugnayang sosyal ng isang komunidad sapagkat: una, takot ang mga prayleng tayo ay mamulat at makilahok sa gawaing pangsosyal; pangalawa, nangangamba silang gawin natin tong sandata para sa pag-usad ng nasyonalismo kung sakaling maging maalam tayo sa mga bagay-bagay liban sa relihiyong isinusubo nila sa atin;at pangatlo, maaaring magningas ang pagnanasa ng mga pilipinong magkaroon ng representasyon na siyang magiging dahilan upang unti-unti silang panawan ng kapangyarihan sa Pilipinas bilang bansang kanilang kolonya.
                    Hindi edukasyon ang inihain sa atin ng mga kastila, kundi relihiyon. Dumaan lamang tayo sa proseso at ayos ng pag-aaral ngunit ang nilalaman ay hindi kailanman nakapagdulot ng malaking tulong upang tayo ay matuto at makilala ang tinatawag na matuwid na gawi sapagkat sa bawat pagkilos natin, ang kagustuhan ng prayla ang sinusunod natin at hindi ng ipinakikilala nilang Diyos sa atin.

III.                Paglalagom

Sa kabuuan ng inilahad at sinuring usapin ukol sa sistema ng edukasyon noong panahon ng kastila, lumalabas na ang pormal na paraan lamang ng Edukasyon at Relihiyon ang naging kapakinabangan nito sa atin bilang mga Pilipino noon sapagkat bago pa man sila dumating ay may yakap na tayong kultura at panitikan na kanilang pinilit palitan. Hindi nagkaroon ng pagkakataon na mag-aklas kaaagad sapagkat ang krus at espada ang naging kapalit ng pagsunod at di pagtalima sa kanilang kagustuhang  maging kolonya tayo ng kanilang tinatawag na kaharian.

Sa loob ng tatlongdaan at tatlumput tatlong taon, nilamon ang kaisipan natin ng relihiyon na para  sa kanila ay pundasyon ng edukasyon ng bawat mamamayan sa bansa. Lahat ng mag-aaral noon ay natutuhang basahin ang doktrina bago natutong bumasa ng iba pang limbag na libro at diyaryo na sa kalaunan na lamang nailimbag. Ipinakilala sa atin na wala ng ibang hihigit pa sa kadakilaan ng pag-aaral, pagsunod, pagtalima at pagsamba sa kanilang Diyos, sa kanilang relihiyon na samakatuwid ay hindi naman talaga ang nasusulat ang kanilang sinusunod. At dahil wala pang mga maestro at maestra noong mga naunang panahon ng kanilang pananakop at pagtuturo, mas malaki ang ginagampanan ng prayle, mas malawak ang sakop nilang kapangyarihan sapagkat hawak nila hindi lamang pamahalaan at simbahan, maging ang edukasyon ng bawat isa sa kanilang nasasakupan. Sa madaling sabi, hawak nila ang salapi, ang pananampalataya na sa katunayan ay pagpapasunod lang naman talaga sa ipinipilit na matuwid at ang karunungang hindi naman talaga karunungan kundi patuloy na pagsubo sa kutsara ng kamangmangan at pagpapaniwalang higit silang dakila at dapat na may alam bukod kaninuman.
Sinabi nga ng ilustradong si Rizal na  “kung walang edukasyon at kalayaan, ang lupa at araw ng lipunan, walang pagbabagong makakamit. Hindi ito nangangahulugan ng pagbibigay sa isang katutubo na isang ermitanyo at lahat ng mga karapatang nais niya upang makahawak siya ng isang araro o kaya’y mailagay siya sa isang pabrika, isang pagkukunwaring kakatwa at hindi kailangan. Ang ninanais namin ay ang pagtanggal ng mga hadlang sa kanyang daan na ang edukasyon ay hindi kaila sa kanya sa takot na kapag nakamit na nito ang katalinuhan ay kumawala siya sa kolonisasyon o hingin ang mga karapatan na kayang dapat makamit.” Na siya naman talagang nais ng mga kastila, na maging patuloy tayong mangmang upang hindi nating maisipang kumawala buhat sa kanila, upang hindi natin hingin ang karapatang dapat sana ay ating tinatamasa sapagkat ang nais nila ay ang magkamal ng yaman mula sa buwis na ating ibinabayad sa kanila, mahirapan at pahirapan ang mga indio  na ang tingin nila ay mababang uri at walang karapatan sa salitang dunong at karapatan.
Walang sinumang mananakop ang magnanais na magkamit ng pagbabago ang kanyang nasasakupan liban na lamang kung para ito sa kanyang kapakinabangan gaya ng ginagawa ng mga kastila sa pilipinas. Nagkakaroon ng pagbabago, nagpapatupad ng iba’t ibang batas at patakaran sa simbahan, pamahalaan at edukasyon ngunit hindi ito para sa mga Filipino, para ito sa kapakinabangan ng mga namamahala at namumuno nito. Ginagamit at kinasasangkapan lamang nila ang kakayahan at kahinaan ng mga Pilipino para sa kanilang pansariling pangangailangan.
                        Narito ang ilan sa mga implikasyon ng sistema ng edukasyon noong panahon ng mga kastila na inilahad sa isang  artikulong aking nabasa.

                        Una, humahadlang sa reporma ang kamangmangan ng mga mamamayan. Ito ang dahilan kung bakit higit na tinutulan ni Rizal ang rebolusyon na pinangungunahan ni Bonifacio sapagkat ayon kay Rizal ang rebolusyon ay magdudulot ng isang panandaliang tagumpay, wala itong pangmatagalang bunga kung ang mga mamamayang nagsusulong nito ay hindi handa para dito. Ang batayan ng isang matagalang repormang rebolusyonaryo ay ang edukasyon ng madla.

 Ikalawa, ang pagkabihag sa edukasyon ng mga Pilipino ay nagdulot lamang ng kapaitan at hindi nabibigyang silbi. Sapagkat nakatali tayo sa nais ng mga prayle, sa pamamalakad at kagustuhan ng pamahalaan, nagiging limitado ang ating pagkilos kung saan napupuno ng takot ang bawat isa na makagawa ng isa o higit pang pagkakamali na hindi kailanman nakalulugod sa kanilang mga mata, sa ipinahayag nilang norms sa lipunan na dapat sundin.
Ikatlo, higit na pagkitid ng kaisipan ng karamihan - sa pagtuturo na nilimitahan ng mga prayle at namumuno, at sa pag-ayaw ng ilang mga Pilipino sa mga kaisipang dala ng mga dayuhan. Ikaapat, naging mga masunuring tagapaglingkod ang mga Pilipino sa mga Kastila sa kanilang sariling bansa. Ang mga Pilipinong nakaririwasa ay naging malapit sa mga Espanyol na pati ang kanilang kabuhayan ay inilapat sa uri ng pamumuhay ng mga Kastila. Maaaring dahil ito sa takot na mawalan ng hanapbuhay at hindi maprotektahan ng mga namumunong kastila, noon pa man ay uso na ang under d teybol na tinatawag kaya naman ang mga mangangalakal at higit na may kayang pilipino ay pinipili na lamang makipagkaibigan at magbigay ng halagang nais na maging tulong kuno o di kaya ay abuloy sa simbahan na sa katunayan ay diretso lang din naman sa bulsa at yaman ng mga prayleng may sakop dito.  Ang Pilipino noon, kundi alipin ay tuta ng mga kastila. Ito ang hatid na kamangmangang dulot ng sistema ng edukasyon noon.



5 komento: