ISANG PAGSUSURI: LIHAM SA
MGA KADALAGAHAN SA MALOLOS
Ni Dr. Jose P. Rizal
I.
PAGLALAHAD
Ika-22 ng
Pebrero, 1889 ng isulat ni Rizal ang kanyang liham para sa kadalagahan ng
Malolos upang pasiglahin lagi ang hindi nagbabago ni nanlalamig na mga
kapanalig ni Rizal sa ikagagaling at katatami ng kaginhawaan at kalayaan ng mga
Pilipino. Ang sulat na ito ni Rizal ay naglalaman ng higit pa sa dapat maging
laman ng isang karaniwang sulat lamang.
Isinulat
niya ito sa London, limang araw matapos ipaalam sa kanya ni Marcelo H. Del
Pilar ang isang mahalagang pangyayari sa bayan ng Malolos. Ayon sa
pagsasalaysay, ika-12 ng Disyembre 1888 nang may 21 kadalagahan ng Malolos (na
sa ibang sanggunian ay 20 lamang) ang naghain ng petisyon kay Gobernador Heneral Weyler
upang magtayo ng isang panggabing paaralan. Layunin nila na mag-aral ng wikang
Espanyol sa ilalim ni Teodoro Sandiko, isang propesor sa Latin. Gayunpaman,
hindi sinang-ayunan ni Padre Felipe Garcia, ang kura paroko, ang petisyon.
Naging dahilan ito upang hindi rin pumayag ang gobernador-heneral na maitatag
ang paaralan. Sa kabila ng pagtutol, hindi dagliang sumuko ang mga kadalagahan
ng malolos sa kanilang layunin. Patuloy silang nanawagan at nang lumaon, pumayag
na rin ang pamahalaan na maitatag ang paaralan, bagama’t tumagal lamang ito ng
tatlong buwan. Si Senora Guadalupe Reyes ang nagsilbing guro ng mga
kadalagahan.
Inilarawan
ni Rizal ang mga kababaihan sa kanyang liham bilang mahinhin, may mabuting puso
at magandang pag-uugali. Ngunit ang lahat ng ito ay isang katauhan ng dalagang
sumusunod sa itinakda ng simbahan. Kaya’t pakiwari niyang ang ganitong pagsunod
ng mga kababaihan ay isang uri ng kamangmangan. Ngunit nagkamali siya sa pangkalahatang
pagtingin niya sa mga kababaihan. Ano pa’t ang tinutukoy niya ay ang mga
kadalagahan ng Malolos. Nang pumalaot sa kanila ang balitang may mga
kababaihang bumabalikwas sa itinakda ng simbahan. Ang mga kababaihang tagalog
ay mulat tulad nila Rizal at ng iba pang repormistang mulat kontra sa panukala
ng simbahan. Sila ngayon ang nakikiisa sa pagtugon sa ikaaayos ng bayan. Naroon
sa Malolos ang mga kababaihang magpapalaki ng mga anak malayo sa
pang-aalipusta, silang mga nangagsimulat sa katotohanan at hindi sa mapagkunwaring
liwanag na pinansilaw ng mga nagdidiyos-diyosang mga prayle o pari. Binigyan
tayo ng Diyos ng sapat na kakayahang kilalanin ang tama sa mali, ang tunay sa
huwad at ang pagsunod ng walang pagkamagkasarili. Ipinanganak tayong Malaya at
hindi nasasakal ng kung sinomang
nagmamataas sa atin.
Ipinahayag
ni Dr. Jose Rizal na ang bulas na pagsunod ay hindi kabanalan. Ang kamangmangan
ay hindi kabaitang puri. Binigyan tayo ng tunay na Diyos ng sarili nating
kakayahang mabuhay at kumilatis ng hakbangin, ng tamang hakbangin. May
kakayahan tayong magpasya at mamuhay nang Malaya. Dagdag pa ni Rizal, ano ang
maipamamana ng isang ina sa kanyang anaka kung ang tanging alam lamang niya ay
sumunod sa idinidikta ng simbahan? Wala raw ibang milagrong gawa ang Diyos ngunit
isang kahungkagan na ipinanloloko sa mga kababaihan upang sila ay sambahin,
panigan at paniwalaan. Ang anumang maling pag-uugali ng isang tao ay bunga ng
pagpapalaki. Ang pagpapalaking nagmula sa paggabay at aral ng isang ina. Ang
ina, sapagkat sa panahong iyon tanging ang ina lamang ang nasa tahanan upang
mag-alaga ng kanyang anak. Kaya walang ibang tulak sisihin kung hindi ang ina
na sa pakiwari ni Rizal ay ang siyang pinagmulan ng maruming pag-uugaling
natutuhan sa paglaki na binitbit at naging batayan ng kanyang pagkatao na buhat
sa turo ng simbahan at ng mga bumubuo nito.
Simbahan ang nagturo sa ating manalig sa
kabanalan sa pamamagitan ng mga Kura at prayleng namamahala rito. Sumampalataya sa pinaniniwalaan at
pinananaligang Diyos ng awa. Anong uri ng kabanalan? Sino ang pinananaligan at
pinaglilingkuran ng kabanalang ito? Ang humalik sa kamay ng prayle? Ang lumuhod
at magdasal nang paulit-ulit? Ubusin ang salapi sa pag-aabuloy sa simbahan at
pag-aalay para sa nais ipagdasal? Ang kabanalan ay pagtulong sa
nangangailangan. Ang pakikinig sa panaghoy, samo’t daing ng mga kapus-palad,
ang maghain sa mga nagugutom, taliwas sa ginagawa at ipinakilala sa atin ng
simbahan ng mga naghahariang mga kastila. Silang hindi nakikinig sa naghihirap,
silang binubusog lamang ay ang sarili, mga prayleng lumalangoy sa yamang
hinugot sa dugo at pawid ng mga masang Pilipino. Ang Diyos maging ang anak ng
Diyos na si Jesus, sang-ayon sa tala ng kanyang buhay sa bibliya ay hindi
kailanman nagpabayad sa kanyang ipinagdasal, sa kanyang tinutulungan at sa
kanyang nasasakupan. Bagkus siya ay taos-pusong naglilingkod ng walang
hinihinging anumang kapalit. Ngunit bakit ang mga prayle maging ang ibang mga
pari sa panahon ngayon ay may hinihinging halaga sa tuwing sila ay kakailanganin
ng mga maysakit, nangangailangan ng espiritwal na panalangin at kung ano pang
sakramentong dapat tupdin ng mga tinatawag na Romano- Katoliko. Sabihin pa na
ang mga salaping kanilang kinukulekta ay hindi makapagliligtas ng kaluluwa
kahit pa may kapalit ng makailang ulit na pagdarasal, maski ang pagbabasbas ng
kasindaming tubig sa dagat ng kabanal-banalang tubig ay hindi kailanman
makapagpapalinis ng maruming kalooban at makasalanang katawang lupa ng kung
sinoman. Ang lahat ng ginagawa ng mga prayle ay taliwas sa ipinag-uutos ng
Diyos. Isang kabalintunaang ang mismong nagpapalakad ng aral ay siyang sumisira
at hindi kailanman natutong sumunod sa kanilang ipinapanukala.
Sang-ayon
kay Rizal, ang ina ay dapat na magpalaki ng anak na nakikita ang tunay na
Diyos, Diyos na hindi nasusuhulan, Diyos na di sakim sa salapi, Diyos na ama ng
lahat, na walang kinikilingan, Diyos na hindi nagpapaasa sa pinaghirapan ng
iba, na hindi nagsasaya sa kabila ng pagdurusa ng iba at Diyos na hindi
nagtuturo ng mali. Dapat na ituro sa mga anak ang pagmamahal sa puri, matapat
at timtimang loob, maliwanag na pag-iisip, malinis na asal, maginoong kilos,
pag-ibig sa kapwa at pagtanggap sa Poong Maykapal bilang bahagi n gating buhay.
At dahil ang buhay ay puno ng pighati at sakuna, patibayin ang loob sa anumang
hirap, patatagin ang loob sa anumang hamon ng panahon. Sapagkat walang aasahan
ang ina sa isang anak na pinalaki sa likong pananaw sa buhay sa ngalan ng mga
prayleng makasalanag lubos. Ang dahilan pa niya ng pagkalupig ng Asya ay ang
mababang pagtrato sa mga kababaihan na itinuturing na makapangyarihan ng ibang
lupain sa kanluran. Kaya nga ang mga kababaihan ang binulag, inalipin upang
sila ang magturo ng pagkaalipin sa mga magiging anak nila na magigng alipin din
ng mga umaaliping tagapagturo ng liko-likong aral. Binanggit niyang
makapangyarihan ang mga kababaihan sa Amerika at Europa, kaya naman sila ay
Malaya, marunong, mulat at may sariling paninidigan at desisyon batay sa
kanilang sariling pananaw.
Sa huling
bahagi ng liham ni Rizal, sinabi niya na sana ay pakaisiping mabuti ng mga
kadalagahang o kababaihan ang kanilang mga gagawin bago sila ay magpasya.
Gamitin ang kanilang sariling kakayahan at paninindigan upang sila ay lumaya.
Matuto mula sa sariling dikreto sa buhay at huwag pagagapos sa idinidikta ng
huwad na nilalang partikular na ng mga prayleng nagbabalat-kayo. Gamitin at
ipaglaban ang karunungang sa tingin nila ay tama, tunay at may direksyon tungo
sa nais nilang kasarinlan. Kilatisin ang
bawat kaalamang inihahain at tatanggapin. Pakasuriin ang sitwasyon, ang
katayuan sa buhay bilang isang babae, bilang isang magiging ina at maging
maingat sa mga nakaambang pagkabulag at pagpapasunod sa maling utos o
direktiba, pagpapaalipin sa pananaw ng iba na maaaring mauwi sa sariling
kapahamakan. Dapat tayo ay magbulay-bulay, malasin ang ating kalagayan at
mag-isip kung itong buhaghag na inilahad
ni Rizal ay makatutulong sa higit na ikaliliwanag ng lahat ng kadalagahan upang
hindi lamang maging tagapagluwal kundi maging tagapagmulat sa kanyang anak na
siyang tutulong sa paglaya ng bayan.
II.
Pagsusuri
Patriyarkal ang sistemang
ipinamulat sa atin ng mga kastila, na siya naman
talagang malinaw sa kasaysayan. Ang
mga aral ng Bibliya ay hindi kailanman maitatangging patriyarkal din. Malinaw
sa atin na ang mga kababaihan ay pambahay lamang, hindi nakapapasok sa paaralan
dahil wala silang karapatang makapag-aral maliban na lamang kung ang mga
babaeng ito ay may dugong Kastila. Sa madaling sabi pa, mababang uri ng tao sa
lipunan ang kababaihan noon. Hindi sila kailanman binigyan ng pantay na
karapatan ng mga kastila taliwas sa oryentasyon ng mga kababaihan sa Amerika at
Europa. Ang pangyayaring ito ang nagbunsod ng pagkakaroon ng tinatawag na
pamantayan kung paano dapat kumilos at gawi ng mga kababaihan sa panahon ng
pananakop ng mga Kastila sa loob ng tatumput tatlong daang taon.
Sa pitong
prinsipyong ibinahagi ni Rizal, isa lamang ang higit na tumatak sa akin, “kung ang babaing Pilipina ay di magbabago,
ay hindi dapat magpalaki ng anak, kundi gawing pasibulan lamang; dapat alisin
sa kanya ang kapangyarihan sa bahay, sapagkat kung hindi’y ipagkakanulo ang
walang malay, ang asawa, anak, bayan at lahat.” Mariin ang naging
pahayag ni Rizal na sa kabila ng kahinhinan, kabutihang puso, kabutihang asal,
mahinhing pag-uugali at pagkamasunurin ay ang hudyat ng kamangmangang taglay ng
mga kadalagahan o kababaihan. Itinuro ng mga kastila partikular na ng mga
prayle na dapat silang kumilos na naaayon sa nais ng Diyos na kung tutuusin ay
siyang nais lamang nila. Hindi sila kailanman maaaring humigit sa pamantayang
kanilang itinakda. Ikinukulong ang mga kababaihan noon sa malambot na katauhang
maglilimita sa kanila bilang babae. Isang malinaw na paraan upang mapiit ang
anumang kakayahan nilang makalikha ng hakbang laban sa kastila. Sinamantala ng
mga kastila ang kahinaang taglay ng mga babae sa pamamagitan ng pagtatakda ng
mga dapat at di dapat para sa mga kababaihan na siyang kalugodlugod kuno sa
mata ng Diyos. Ipinangalandakan ng mga namunuo sa simbahan na ito ay sadyang
matuwid na gawa at huwag na huwag tataliwas kung ayaw nilang magkasala sa
tinatawag nilang Diyos. Ngunit batay sa nabanggit ni Cristo “Ang
unang kabanalan ay ang pagsunod sa matuid, anoman ang mangyari, gawa at hindi
salita ang hiling ko sa inyo,” ang kabanalan ay ang pagsunod o pagtalima sa
matuwid, hindi ang pagsunod sa baluktot na pinagpipilitan lamang na matuwid ng
mga prayle.
“Ang
kamangmanga’y kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon din ang tao;
taong walang sariling isip, ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa
isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa tali,” na siyang nakasaad sa ikatlong prinsipyo ni
Rizal sa liham. Hindi nga naman makatarungan na gawin tayong alipin ng mga
prayle partikular na ang mga kababaihan, tinitingnan lamang ang mga babae noon
bilang tagasunod, tagapagluwal, alipin at mga taong walang kakayahang mamuno at
magpasya para sa sarili. Inalipin ng takot ang isipin ng mga kababaihan dahilan
upang alipinin sila ng kamangmangan. Tinanggalan ng laya ng mga prayle ang mga
kababaihan na magsariling isip at kontrolin ang kanilang sariling saloobin at
pinaniniwala silang ang lahat na sila ang nakakikita n gating kahinaan at tayo
ay mga tanga’t walang alam. Tayong mga hindi kapantay nilang mga may dugong
kastila na para bagang sila lamang ang may karapatang mailigtas mula sa bangin
ng impyerno’t lubhang walang sala. Kitang-kita ang pagnanais ni Rizal na
ipaalam sa mga kadalagahan ng Malolos na ipagpatuloy ang nasimulang
paninindigan. Buksan ang mga mata sa katotohanan na ang tunay na Diyos ay yaong
nakikinig sa hinaing ng mga nangangailangan at nagpapakain ng nagugutom at
hindi ang nagpapaasa sa pinaghirapan ng iba at nagpapayaman mula sa ari-arian
ng bayan. Hindi itinuturo ng panginoon ang itinuturo ng mga prayle, bagkus,
isang perpektong kabaliktaran ang kanilang ipinakikita. Sinusubukan ni Rizal na
basagin ang kamangmangan sa hanay ng mga kababaihang maaaring makatulong nila
upang imulat ang marami pang mga kababaihan sa tunay na imahe at kalagayan ng ating bayan sa kamay ng simbahan.
Sa huling
bahagi ng hindi basta lamang liham ni Rizal sa mga kadalagahan sa Malolos,
nabanggit niya ang mga kababaihang esparto na siyang tunay na malakas at
iginagalang. Nagwika ang isang babaing
taga-esparta sa Grecia ng ganito, “ ang tao ng mga esparto ay hindi inianak
para mabuhay sa sarili, kung hindi para sa kanyang bayan,” kung saan
ang katatagan ng loob, katatagan, katapangan, at pagiging malayang indibidwal
ng isang babae ay tunay na kinikilala nasiyang taliwas naman sa kababaihan sa
Pilipinas. Ang mga babaeng esparto ay hindi kailanman yumuko sa mga pari, hindi
nagpaalipin, may kakayahang makapagpasya para sa kanilang sarili at pamilya, at
higit sa lahat ay kumilos para sa bayan. Ang mga babaeng ito na kakikitaan ng
tapang ay hindi kailanman naniwala sa kasabihan. Ang pagkukumparang ito na
inilahad ni Rizal ay nagpapakita lamang kung gaano ipinagkait ng taga-simbahan
ang kakayahan n asana ay taglay ng mga kababaihan sa ating bansa. Ito ang paraan
ng pagmumulat ni Rizal sa kadalagahang maaaring makabasa ng kanyang liham bukod
sa dalawamput isang kadalagahang nagnasang tumalikod sa handog na pamantayan ng
simbahan na siyang ibinabalubad ng mga prayle at hindi ng Diyos na kanilang
sinasamba.
Tunay na sa
tahanan unang nahuhubog ang isip at paniniwala ng isang bata na kanyang
dadalhin hanggang sa paglaki. Ngunit paano kung ang isang ina ay mangmang,
salat sa pagkamulat, baluktot ang paniniwalang katotohanan at kontrolado ang
isip ng mga salitang pulaan ng mga prayle’t kastilang mapangmata’t walang
dangal, ano nga kaya ang kabutihang maituturo niya sa kanyang anak? Isang
malaking responsibilidad ang nakaatang sa mga magulang lalo’t higit na sa
tagapagluwal ng sanggol na sa panahon noon at ngayon ay siyang parating
sinisisi sa anumang kahihinatnan ng bagong sibol na isipan ng anak sa pagtahak
ng landas labas sa kanilang tahanan. Kaya naman nais ni Rizal na matupad nawa
ang nasang matuto ng mga kadalagahan na harinawa ay hindi bubot na kaalaman ang
kanilang mapitas kundi karunungan na siya nawang maginng huwaran sa lahat ng
kababaihan at kadalagahang magiging ina na siyang tagapagmulat ng kanilang mga
magiging anak.